PAGBASA
SA DIGMAAN: ISANG DISKURSONG ANALISIS SA TALUMPATI NG MGA PANGULO NA SINA
AQUINO, DUTERTE, AT MARCOS JR.
Reading
The War: A Discourse Analysis of the Speeches of Presidents Aquino, Duterte,
And Marcos Jr.
Johaima D.
Abdulazis, Fatmah Rahanna C. Baraocor, Norhanah D. Dathaman,
Alican M.
Pandapatan
Mindanao State
University-Main Campus, Philippines
ABSTRAK
Ang
pananaliksik na ito
ay naglalayong suriin ang mga diskursong makadigmaan sa pamamagitan ng mga
talumpati ng tatlong pangulo na sina Pangulong Benigno Aquino III (PNoy),
Rodrigo Duterte (Du30), at Ferdinand Marcos Jr. (BBM). Ang pag-aaral ay
nakapokus sa pagsagot kung paano ginagamit ang retorika ng digmaan upang
hubugin ang pambansang kamalayan at kung paano nagkakaiba ang ideolohikal na
pundasyon ng bawat lider sa paggawad ng kapangyarihan. Gamit ang kwalitatibong
metodo at interdisiplinaryong dulog na nag-uugnay sa bagong linggwistika
pangkapayapaan at kritikal na pagsusuri sa diskurso, sinuri ang mga nakatagong
ideolohiya at ebolusyon ng salitang “digmaan” sa loob ng mga piling talumpati
ng mga pangulo. Nilayon din nitong uriin ang mga pahayag sa kategoryang positibo,
neutral, at negatibong diskurso batay sa konteksto, tono, at pragmatikong
layunin ng mga piniling salitang maka-digmaan. Natuklasan sa pagsusuri ang sistematikong
ebolusyon sa kahulugan ng digmaan: (1) Sa diskursong pahiwatig mula kay Aquino,
ang digmaan ay institusyonal at nakatutok sa pagsugpo sa korapsyon gamit ang
positibong diskurso ng moralidad; (2) Batay sa pahiwatig na nagmumula sa
diskurso ni Duterte, ang digmaan ay personal at pisikal na laban sa
kriminalidad at terorismo gamit ang negatibong diskurso ng takot upang
bigyang-katwiran ang mararahas na aksyon; at (3) Mula naman sa
pagsasadiskurso ni Marcos Jr., ang digmaan ay diplomatiko at nakatuon sa
panlabas na banta sa soberanya gamit ang neutral at legalistikong diskurso
tulad ng UNCLOS nang hindi nag-uudyok ng karahasan. Pinatutunayan ng
pananaliksik na ang retorika ng digmaan ay isang buhay
na instrumento ng
kapangyarihan na nagbabago ang anyo depende sa interes ng nakaupong administrasyon.
Ang mga
salitang pinipili ng isang pangulo ay hindi kailanman neutral; sinasadya itong
hubugin upang maging lehitimo ang kanilang mga polisiya at makuha ang buong
suporta ng sambayanan.
Susing-salita: digmaan, diskurso, ideolohiya,
talumpati, retorika
ABSTRACT
This
research aims to analyze war discourse through the speeches of three Philippine
presidents: Benigno Aquino III (PNoy),
Rodrigo Duterte (Du30), and Ferdinand Marcos Jr. (BBM). The study focuses on
answering how the rhetoric of war is utilized to shape national consciousness
and how the ideological foundations of each leader differ in the exercise of
power. Utilizing a qualitative method and an
interdisciplinary approach that integrates New Peace Linguistics (NPL) and
Critical Discourse Analysis (CDA), the study explores hidden ideologies and the
evolution of the word “war” within the selected speeches of the presidents. It also
classifies the statements into positive, neutral, and negative discourse
categories based on their emotional tone and pragmatic context. The analysis reveals a
systematic evolution in the meaning of war:
(1) within the discourse of Aquino, war is institutional and focused on combating
corruption using a positive discourse of morality;
(2) from the expressive discourse of Duterte, war is a personal and physical battle
against criminality and terrorism using a negative discourse of fear to justify
violent actions; (3) and for Marcos Jr.’
discourse, war is diplomatic and centered on external threats to sovereignty
using a neutral and legalistic discourse, such as UNCLOS, without inciting
violence. The
research proves that the rhetoric of war is a dynamic instrument of power that
transforms depending on the interests of the sitting administration. The words
chosen by a president are never neutral; they are deliberately shaped to
legitimize policies and gain the full support of the nation.
Keywords: war, discourse, ideology, speech, rhetoric
INTRODUKSYON
Ang talumpati ng isang pangulo sa
Pilipinas ay hindi lamang simpleng pag-uulat o pagbabasa ng isang nakasulat na
ulat para sa bayan; ito ay isang makapangyarihang diskurso na may kakayahang
humubog sa kamalayang panlipunan, magbigay-kahulugan sa mga pambansang krisis,
at magdikta sa direksyon ng buong estado. Sa bawat salitang binibitawan ng
isang pangulo, kaakibat nito ang paglikha ng isang realidad na tinatanggap at
pinaniniwalaan ng publiko.
Sa kasaysayan ng bansa, isang tema
ang tila naging permanenteng sangkap at hindi maalis-alis sa bawat mahahalagang
talumpati; ang
tema ng digmaan. Maging ito man ay laban sa droga, kahirapan, korapsyon, o
terorismo na naging pundasyon ng komunikasyon ng tatlong magkakasunod na
administrasyon nina Pangulong Benigno Aquino III (PNoy), Rodrigo Duterte
(Du30), at Ferdinand Marcos Jr. (BBM).
Ang sentrong kaisipan ng
pananaliksik na ito ay nakaangkla sa prinsipyo ng wika bilang kapangyarihan.
Ayon kay Fairclough (2013), ang wika ay hindi kailanman neutral; ito ay isang
instrumento ng dominasyon, kontrol, at panlipunang konstruksyon. Ang sentral na
argumento ng pag-aaral na ito ay ang diskurso ng digmaan sa mga pambansang
talumpati ay hindi lamang simpleang paglalarawan ng krisis, kundi isang
kalkulado at nagbabagong ideolohikal na instrumento na ginagamit ng mga pangulo
upang bigyang katwiran ang kanilang pampolitikang agenda, lumikha ng banta
(othering), at magpanatili ng kontrol sa kapangyarihan. Habang ang wika ay
nagiging sandata ng mga nakatataas upang gawing lehitimo ang mga marahas na
polisiya, ginagamit din ito sa iba’t ibang administrasyon upang pakalmahin ang
masa o itago ang mga sistematikong kakulangan ng pamahalaan sa pamamagitan ng
retorika.
Sa kabila ng
yaman ng mga diskursong analisis na isinagawa sa mga nakalipas na taon,
kapansin-pansin ang isang malaking puwang sa akademikong literatura ang
kakulangan sa mga pagsusuring naghahambing sa tatlong magkakasunod na
administrasyon upang makita ang pagtalakay sa digmaan kung paano ito
tinitignan ng nanunungkulan bilang hamon.
Ang karaniwang pag-aaral ay nakapokus lamang sa iisang pangulo o iisang
partikular na isyu, ngunit hindi nabibigyang-diin kung paano nagbabago ang
kahulugan at ang epekto ng sosyo-kultural
na epekto nito.
Upang matugunan
ang puwang na ito, ginamit sa pananaliksik na ito ang isang interdisiplinaryong
dulog na nag-uugnay sa bagong linggwistika pangkapayapaan nina Friedrich at
Curtis (2025) at kritikal
na pagsusuri sa diskurso ni Fairclough. Gagamitin ang mga lenteng ito
upang himayin ang mga nakatagong ideolohiya at mapaghambing ang mga pahayag
kung ang mga ito ba ay naglalayong hatiin ang lipunan o gumamit ng inklusibong
wika tungo sa mapayapang resolusyon. Sa pamamagitan nito, hindi lamang
linggwistiko ang pagsusuri kundi isang panlipunang imbestigasyon sa sining ng
retorika at sa halaga ng matagalang kapayapaan sa Pilipinas.
Ang pangunahing
layunin ng pananaliksik na ito ay suriin, uriin, at paghambingin ang diskursong
makadigmaan sa mga talumpati nina Pangulong Benigno Aquino III, Rodrigo
Duterte, at Ferdinand Marcos Jr. partikular na sa loob ng kanilang mga piling talumpati. Nakatuon ang pag-aaral sa pag-uuri ng
mga militaristikong pahayag sa mga kategoryang positibo, neutral, at negatibong
diskurso batay sa kanilang emosyonal na tono at pragmatikong konteksto.
Nililimitahan ang pag-aaral na ito sa tekstwal at diskursong pagsusuri sa mga
opisyal na transkripsyon ng mga talumpati na may tuwirang kinalaman sa
pambansang krisis, seguridad, at paglaban sa mga suliranin ng estado. Hindi
saklaw ng pananaliksik na ito ang pagsukat sa aktuwal na opinyon ng publiko o
ang pag-analisa sa mga impormal na pahayag ng mga pangulo sa labas ng mga
opisyal na dokumento ng pamahalaan.
Kaugnay na Literatura at
Pag-aaral
Inilalahad sa
bahaging ito ang mga kaugnay na literatura at pag-aaral na nagbibigay-linaw sa
diskursong analisis ng “digmaan” sa loob ng mga politikal na talumpati. Isinasaalang-alang dito ang mga
pananaliksik hinggil sa retorika ng digmaan at kung paano ginagamit ng mga
lider ang wika upang hubugin ang opinyon ng publiko sa gitna ng mga krisis at
tunggalian.
Ang disiplina ng
linggwistika pangkapayapaan
ay nagbibigay ng kritikal na balangkas upang suriin kung ang wika ng isang
lider ay nagsisilbing tulay sa kapayapaan o mitsa ng karahasan sa lipunan. Sa
pag-aaral nina Curtis (2025), binigyang-diin na ang wika ay may kapangyarihang
magpanatili ng kaayusan o magpalala ng hidwaan depende sa kung paano binubuo
ang naratibo ng seguridad. Sinusuportahan ito ng pananaliksik ni Maidoh (2023),
na nagpapatunay na ang paggamit ng mga mapanirang pagbabansag at militaristikong
metapora ay hindi lamang naglalarawan ng digmaan, kundi aktwal na lumilikha ng
isang kapaligirang pabor sa agresyon at pag-iiba sa mga itinuturing na kaaway.
Nagkakasundo ang mga iskolar na ang wika ay hindi kailanman neutral; ang bawat
salitang binitawan ng isang pinuno ay may kaakibat na etikal na responsibilidad
na maaaring mag-udyok sa publiko na pumili sa pagitan ng kooperasyon o
komprontasyon. Ang pagkakaiba ng mga terminong ginagamit sa diskurso ng
kapayapaan at digmaan ay nagpapakita kung paanong ang wika ay nagiging
repleksyon ng moral na prayoridad ng isang administrasyon.
Sa kasaysayan ng
politika sa Pilipinas, ang digmaan ay hindi lamang ginagamit sa aktwal na
bakbakan; madalas itong gamitin ng mga pangulo bilang isang makapangyarihang
sandata sa pananalita upang ituring na banta sa bansa ang mga problema ng
lipunan at bigyang-daan ang mga matitinding aksyon.
Ayon pa sa pagsusuri ni Sobrepena et al.
(2018), binalot ni Benigno Aquino III ang
kanyang kampanya laban sa korapsyon sa retorika ng isang banal na laban, kung
saan ang “Daang Matuwid”
ang nagsilbing tanging landas ng mga tapat. Sa kabilang banda, ipinaliwanag ni
Curato (2017) na naging mas agresibo ang pamamaraan ni Rodrigo Duterte sa
pamamagitan ng pamumulitika gait ang takot. Ginamit niya ang takot ng mga mamamayan
upang ituring ang digmaan laban sa droga bilang isang madugong pakikipagtunggali para sa mismong
buhay ng bansa. Malinaw na bagaman
parehong humiram ng wika ng giyera ang dalawang lider, magkaiba ang kanilang
naging kalaban. Sa
ginawang pagsusuri ni Dacay
(2018), natuklasan na
ang mga talumpati ni Rodrigo Duterte ay gumagamit ng mga emotive expressions
at pronouns upang palakasin ang kanyang imahe bilang tagapagtanggol
ng bayan. Samantala,
ang pag-aaral nina Valdez at Cocol
(2022) ay nagpapakita na ang mga politikal na diskurso sa Pilipinas ay madalas
dumaan sa tatlong antas ni Fairclough: deskripsyon, interpretasyon, at eksplanasyon.
Ang pag-unawa sa
diskursong politikal at panlipunan ay hindi lamang nakasalalay sa literal na
kahulugan ng mga salita, kundi sa emosyonal na klima na nililikha nito at sa
estratehikong anggulo kung paano ito inihahayag sa publiko. Ayon sa pilosopikal
na pagsipat ng Planksip (2024) ukol sa retorika ng digmaan at kapayapaan, ang
wika sa panahon ng krisis ay madalas na gumagamit ng mga matitinding emotive
words upang lumikha ng polarisasyon. Ang emosyonal na tonong ito ay hindi
aksidente kundi isang kalkuladong instrumento upang bigyang-katwiran ang mga
mararahas na hakbang sa ngalan ng pambansang seguridad.
Sa kabilang
banda, ang emosyonal na tonong ito ay nagkakaroon lamang ng buong direksyon sa
pamamagitan ng paraan ng pagbabalangkas o framing. Sa komprehensibong
klasipikasyon nina Ali et al. (2024), ipinaliwanag na ang pagbabalangkas ay ang
proseso ng pagpili at pagbibigay-diin sa ilang aspekto ng isang reyalidad upang
itaguyod ang isang partikular na interpretasyon, depinisyon, o moral na
pagpapasya. Ang pagbabalangkas na ito ay malinaw na makikita sa kung paano
inilalahad ng mga institusyon ang mga isyu ng katarungan.
Ang ideolohiya
naman sa loob ng mga
opisyal na talumpati ng isang pangulo ay nagsisilbing balangkas na nagdidikta
kung paano binibigyang-kahulugan ang mga pambansang hamon at tagumpay. Sa pagsusuring isinagawa ni Logogye (2018), napatunayan na ang pagpili ng mga
salita at ang paggamit ng
mga retorikal na kagamitan ay sinadya upang ipakita ang ideolohiyang neoliberalismo at nasyonalismo. Ipinakita sa pag-aaral na ginagamit ng
lider ang diskurso upang pag-isahin ang damdamin ng mamamayan sa pamamagitan ng
pagbibigay-diin sa positibong sariling-representasyon habang
ipinapakita ang determinasyon ng gobyerno sa gitna ng krisis.
Ang ganitong uri
ng diskurso ay hindi lamang naglalayong magbigay ng impormasyon, kundi isang
estratehikong paraan upang gawing lehitimo ang kapangyarihan ng lider sa mata
ng publiko. Ang pagkakatulad ng ganitong ideolohikal na atake sa mga SONA sa
ibang bansa ay nagpapatunay na ang wika ng mga pangulo ay may unibersal na porma ng pagmamanipula ng simbolo at
kahulugan.
Mga Suliranin ng Pananaliksik
1. Ano-ano
ang mga diskursong maka-digmaan sa mga talumpati nina PNoy, Du30, at BBM at ang
mga nakitang diskursong maka-digmaan sa talumpati na mauuri bilang positibo,
neutral, at negatibong diskurso?
2. Paano
nagkakaiba ng ideolohiya batay sa wika ng tatlong pangulo ng Piipinas sa
pag-unawa sa diskurso ng digmaan?
METODO
Ang pananaliksik na ito ay isang
kwalitatibong pag-aaral na nakatuon sa pagsusuri ng mga diskursong makadigmaan
sa mga piling talumpati ng tatlong pangulo ng Pilipinas: Benigno Aquino III,
Rodrigo Roa Duterte, at Ferdinand Marcos Jr. Sa pamamagitan ng kwalitatibong
metodo, mas nabigyang-diin ang masusing interpretasyon sa nilalaman ng mga
talumpati at hindi lamang nakatuon sa pagbibilang ng mga salita o pahayag.
Hindi nagsagawa ng direktang
panayam o sarbey sa mga kalahok ang mga mananaliksik sapagkat ang pangunahing
datos ng pag-aaral ay nagmula lamang sa mga pampublikong dokumento. Ginamit
bilang pangunahing sanggunian ang mga piling mahahalagang talumpati ng tatlong
pangulo na malayang makukuha sa mga opisyal na website ng pamahalaan, news
archives, at beripikadong media platforms. Pinili ang mga talumpati batay sa
mga sumusunod na pamantayan: 1. dapat naglalaman ito ng mga pahayag na may
kaugnayan sa digmaan, seguridad, krisis, o paglaban sa mga suliraning pambansa;
2. dapat ito ay opisyal na talumpati ng pangulo; at, 3. dapat ito ay may sapat na
transkripsyon upang masuri nang mabuti ang mga ginamit na salita at pahayag.
Nilimitahan lamang ang pag-aaral sa mga talumpating may malinaw na kaugnayan sa
tema ng digmaan upang mapanatili ang pokus ng pananaliksik.
Nagsimula ang
proseso ng pangangalap ng datos sa paghahanap at pagpili ng mga opisyal na
transkripsyon ng mga talumpati. Matapos nito, isinagawa ang masusing pagbabasa
ng bawat teksto upang matukoy ang mga pahayag na nagpapakita ng militaristikong
wika, metapora ng digmaan, at iba pang retorikang may kaugnayan sa tunggalian.
Ang mga nakuhang pahayag ay isinailalim sa coding process. Sa bahaging ito,
inuri ang mga pahayag batay sa dominanteng tema, leksikal na pagpili, emosyonal
na tono, at layunin ng pahayag.
Ginamit na
klasipikasyon sa pagsusuri ng datos ang tatlong uri ng diskursong
makadigmaan:
1. Positibong Diskurso
– mga pahayag na nagtataguyod ng kapayapaan, pagkakaisa, diplomasya, at
mapayapang resolusyon ng suliranin;
2. Neutral na Diskurso – mga pahayag na naglalahad
lamang ng impormasyon, estadistika, o ulat nang walang malinaw na emosyonal o
ideolohikal na paninindigan; at, Negatibong Diskurso – mga pahayag na gumagamit ng
marahas, agresibo, mapanakot, o mapanuligsang retorika na maaaring magpalalim ng
kultura ng tunggalian at karahasan.
Upang matiyak
ang kapanatilihan at kredibilidad ng pag-uuri ng datos, nagsagawa ang mga
mananaliksik ng prosesong balidasyon kung saan muling sinuri ang mga nakuhang
pahayag at ikinumpara ang interpretasyon ng bawat mananaliksik. Ang mga hindi
pagkakatugma sa pag-uuri ay muling tinalakay hanggang sa magkaroon ng iisang
interpretasyon. Gumamit din ng analytical matrix o talahanayan upang maging
sistematiko ang pagsusuri ng bawat pahayag ayon sa tema, tono, uri ng diskurso,
at posibleng ideolohiyang ipinapakita nito.
Sa pagsusuri ng
datos, ginamit ang balangkas ng Critical Discourse Analysis (CDA) ni Fairclough
(2010). Kasabay nito, ginamit din ang New Peace Linguistics (NPL) nina Curtis
at Friedrich (2025) upang suriin kung ang mga pahayag ay nagpapalakas ng
kapayapaan o nagpapalalim ng kultura ng tunggalian at karahasan. Sa pamamagitan
ng dalawang balangkas na ito, mas naging malalim ang pagsusuri sa ugnayan ng
wika, kapangyarihan, at ideolohiya sa mga talumpati ng mga pangulo.
Bilang
karagdagan, isinasaalang-alang din sa pananaliksik ang etikal na aspeto ng
paggamit ng datos. Dahil ang mga talumpating ginamit ay pampublikong dokumento
at opisyal na inilabas para sa publiko, hindi na kinailangan ang pahintulot
mula sa mga indibidwal na kalahok. Gayunpaman, tiniyak ng mga mananaliksik ang
wastong pagsipi sa mga sanggunian upang mapanatili ang kredibilidad ng
pag-aaral at maiwasan ang maling interpretasyon ng mga datos.
Sa huling bahagi ng pagsusuri, isinagawa ang paghahambing na pagsusuri upang makita ang pagkakaiba at pagkakatulad ng
paggamit ng diskursong makadigmaan nina PNoy, Du30, at BBM. Sa pamamagitan
nito, natukoy kung paano nagbabago ang kahulugan ng digmaan sa bawat
administrasyon at kung paano ito ginagamit bilang instrumento ng kapangyarihan,
pamamahala, at paghubog ng pananaw ng publiko.
RESULTA AT DISKUSYON
Ang
bahaging ito ay naglalahad ng komprehensibong
pagsusuri sa mga piling pahayag mula ng tatlong magkakasunod na administrasyon
sa Pilipinas. Inilatag dito ang mga diskursong makadigmaan na ginamit ng mga
pangulo, at implikasyon sa kamalayang panlipunan.
Pag-unawa sa Diskurso ng
Digmaan sa Talumpati ng Tatlong Pangulo ng Pilipinas
Ang mga sumusunod na sub-seksyon ay nagpapakita ng
detalyadong paghimay sa retorika nina Pangulong Benigno Aquino III, Pangulong
Rodrigo Duterte, at Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pagsusuri
sa Diskursong Makadigmaan sa Talumpati ni Pangulong Benigno Aquino III
Ang pagsusuring ito ay nakatuon sa ikaanim at huling State of the Nation
Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III na binigkas noong Hulyo 27, 2015
sa Batasang Pambansa Complex, Quezon City.
Talahanayan 1. Pagsusuri sa
Diskursong Makadigmaan sa Talumpati ni Pangulong PNoy
|
Salita/Pahayag |
Klasipikasyon |
Pagsusuri |
|
“Kung
walang corrupt, walang mahirap.” |
Positibo |
Inilalarawan ang korapsyon
bilang pangunahing kalaban ng sambayanan. Nakatuon ito sa sistematikong
problema kaysa sa personal na pag-atake.
|
|
“Hindi
tayo umurong sa laban kontra korapsyon.” |
Neutral |
Ang salitang laban ay
nagpapakita ng retorikang makadigmaan ngunit ginagamit para sa reporma sa
gobyerno.
|
|
“Tinatahak
natin ang Daang Matuwid.” |
Positibo |
Moral na laban ito laban sa maling
sistema at nagpapakita ng ideolohiya ng reporma.
|
|
“Those
who abused the people’s trust must be held accountable.” |
Negatibo |
Nagpapakita ito ng
matinding paninindigan laban sa mga tiwaling opisyal at gumagamit ng
accountability as weaponized rhetoric.
|
|
“We
will not allow corruption to steal the future of our children.” |
Negatibo |
Ang salitang steal the
future ay nagpapakita ng dramatikong framing kung saan ang korapsyon ay
inilalarawan bilang banta sa kinabukasan ng bansa.
|
|
“Our
fight is for every Filipino who dreams of a better life.” |
Positibo |
Inklusibong diskurso ito
dahil inilalagay ang mamamayan bilang kasama sa laban para sa pagbabago.
|
|
“Hindi
tayo magpapatalo sa mga nais bumalik sa dating sistema.” |
Neutral |
Nagpapakita ito ng
conflict framing laban sa mga humahadlang sa reporma ngunit hindi tahasang
marahas.
|
|
“Peace
is necessary for progress and development.”. |
Positibo |
Ipinapakita nito na
bagama’t gumagamit siya ng retorikang “laban,” nananatili pa rin ang layunin
ng kapayapaan.
|
Sa pagsusuri ng mga pahayag ni Pangulong
Benigno Aquino III sa kaniyang ikaanim na SONA, makikita ang isang
estratehikong paggamit ng wika upang itatag ang kaniyang legasiya bilang isang
repormistang lider. Sa gitna ng pagtatapos ng kaniyang termino, ginamit ni
Pangulong PNoy ang diskurso ng digmaan hindi para sa pisikal na karahasan,
kundi para itatag ang kaniyang awtoridad bilang tagapagtanggol ng “Daang
Matuwid” laban sa mga sistematikong problema ng bansa, partikular na ang
korapsyon.
Isa sa mga pangunahing natuklasan ay ang
sadyang pagtuon ng Pangulo sa pagsasalarawan ng korapsyon bilang pangunahing
“kaaway” ng sambayanan. Sa kaniyang pahayag na “Kung walang corrupt, walang
mahirap” at “Hindi tayo umurong sa laban kontra korapsyon,” malinaw
na ang target ng kaniyang retorika ay ang bulok na sistema ng pamahalaan. Ayon sa pananaliksik ni Chilton (2004) sa Political
Discourse Analysis,
ang mga pinuno ay madalas gumamit ng tinatawag na “depersonalization of
conflict”, sa
halip na magturo ng partikular na tao, itinuturo nila ang isang abstract na
konsepto (gaya ng korapsyon) bilang kaaway. Sa
pamamagitan nito, nababawasan ang personal na tensyon dahil pinagkakaisa niya
ang mga Pilipino sa ilalim ng isang moral na laban kung saan ang mamamayan ay
itinuturing na kasama at hindi kalaban.
Dahil sa kaniyang adbokasiya sa mabuting
pamamahala, gumamit din siya ng diskurso ng pananagutan. Ang pahayag na “those
who abused the people’s trust must be held accountable” ay isang
linggwistikong agresyon na naglalayong bawiin ang moral na awtoridad mula sa
mga tiwaling opisyal. Ayon kay Fairclough (2010), ang ganitong pagpili ng
salita ay isang paraan upang ipakita na ang kaniyang pamumuno ay may matibay na
moral na pundasyon at determinasyong linisin ang gobyerno.
Upang masagot naman ang mga hamon sa
pagpapatuloy ng kaniyang mga proyekto, ginamit niya ang prinsipyo ng pag-uugnay
ng kapayapaan sa pag-unlad. Sa kanyang pahayag na “Peace is necessary for
progress and development,” ipinapakita niya na ang kaniyang retorika ng
“laban” ay may huling layunin na hindi kaguluhan kundi kaayusan. Ang madalas na
paggamit ng mga inklusibong naratibo gaya ng pagiging “kasama sa laban” ay
nagpapatunay ng kaniyang ideolohiya ng repormismo, kung saan nilalayon niyang
gawing lehitimo ang kaniyang mga polisiya.
Sa pag-aaral ni Stibbe (2015), ang
retorika ni Pangulong Aquino ay maituturing na isang halimbawa ng constructive
stories o mga kwentong nakatutulong sa lipunan. Ang kwento ng “Daang
Matuwid” ay nag-aanyaya sa tao na magbago, sumunod sa batas, at magtulungan,
ang kapayapaan para sa kaniya ay hindi makakamit sa pamamagitan ng paggamit ng
dahas o giyera, kundi sa pamamagitan ng pagpapatatag ng mga institusyon,
pananagutan sa batas, at tapat na
pamamahala. Sa huli, pinili ni Pangulong Aquino na gamitin ang wika upang magreporma at mag-imbita ng pagkakaisa, kung saan
ang bawat Pilipino ay hindi biktima o kaaway, kundi aktibong “kasama sa laban” tungo sa pag-unlad.
Pagsusuri
sa Diskursong Makadigmaan sa Talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte
Mula sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nangyaring pagbisita nito sa Barangay Bito Buadi Itowa, Marawi noong
Oktubre 2, 2017 para sa pag turnover ng pabahay program matapos ang gyerang
naganap ng mga sundalo at ng mga militanteng grupong Maute.
Talahanayan
2. Pagsusuri sa Diskursong Makadigmaan
sa Talumpati ni Pangulong Du30
|
Salita/Pahayag |
Klasipikasyon |
Pagsusuri |
|
“Walang ginawa yan kung di pumatay at magpakamatay.” (Tumutukoy sa mga militanteng grupo sa Mindanao |
Negatibo |
Paggamit ng matitinding salita laban
sa mga terorista at kritiko (tulad ng Ombudsman) na itinuturing niyang
balakid.
|
|
“I will not obey the Ombudsman because
he is corrupt... mag-resign na lang kami ni Justice Sereno.” |
Negatibo |
Paggamit
ng Kami vs. sila sa pahayag na nakatoon sa masamang imahe ng may mataas na
katungkulan sa gobyerno ng walang ipinapakitang katibayan tungkol sa pahayag
|
|
“I’d like to thank the benefactors...
we promise to rebuild a more beautiful city.” |
Positibo |
Ang ginamit na wika ng ay nakatuon sa
pangakong muling pagtatayo ng mas magandang lungsod at pagkilala sa “noble project” ng mga benefactors.
|
|
“That federal system will cure the
defect... kaya tayo nag-uusap ng MI, MN because they will be moderate.” |
Positibo |
Ginamit ang pormal na diskurso ng
Federalismo at BBL bilang mga estratehikong hakbang upang gamutin ang “historical injustice” sa Mindanao. |
|
“Ang gobyerno, hindi ganun. We…
Dumudugo ‘yung puso namin. We cannot wage a war against our own people.” |
Positibo |
Gumamit
ng mga emosyonal na salita gaya nga ‘dumudugo ang puso’ upang iparating na
hindi nila nais ang nangyaring digmaan.
|
Makikita sa pangalawang talahanayan na ang mga hinimay
na salita at pahayag mula sa talumpati ng dating pangulong Duterte. Mapapansin
ang madalas na paggamit niya ng “kami vs. sila” na paraan ng pagpapahayag sa
isyung pinag-uusapan. Ayon kina Miranda at Bringula (2021), ang mga SONA ng mga pangulo ng
Pilipinas ay nagpapakita ng magkakaibang sentiment scores at paksa
depende sa krisis na kinakaharap. Samantala mapapansin sa talumpati
ng dating pangulong Duterte ang kasiguraduhan na muling babangon ang nasirang
lungsod sa kabila ng nangyaring gyera, ngunit hindi rin naiwasan ang pagbanggit
niya ng iba’t ibang pangalan na kasangkot sa korapsyon, maging ang mga pasaring
na salita na nakatuon sa mga militanteng grupo sa lungsod.
Tulad na lamang ng unang pahayag sa talahanayan na “Walang ginawa yan kung di pumatay at
magpakamatay.”
Mapapansin na sinasabi niyang ang mga taong nagsimula ng gulo sa lungsod ang
siyang may kasalanan at di umano’y walang takot ang mga ito na pumatay at
magpakamatay dahil sa dayuhang ideolohiya. Ang ganitong uri ng diskurso ay
hindi lamang naglalayong magbigay ng impormasyon kundi bumuo ng isang “moral boundary” sa pagitan ng gobyerno at ng mga
itinuturing na banta sa seguridad. Sa pag-aaral ni Logogye (2018), napatunayan
na ang pagpili ng mga salita at ang paggamit ng mga retorikal na kagamitan ay
sinadyang idisenyo upang ipakita ang ideolohiyang nasyonalismo. Sa kaso ni
Duterte, pinaghalo niya ang nasyonalismo sa populismo.
Ang pagbanggit
sa kanyang lineage at kadugong Meranaw ay ginamit upang gawing personal
ang digmaan, na nagbibigay ng lehitimasyon sa kanyang agresibong aksyon bilang
pagtatanggol sa sariling pamilya at lupain. Maging ang pag-atake sa Ombudsman
at sa AMLC sa gitna ng usapin ng Marawi ay nagpapakita ng isang diskursong
makadigmaan na lumalampas sa pisikal na battlefield. Batay sa
Kritikal na Pagsusuri sa Diskurso ni Gopez (2021), ang pag-atake sa mga kritiko
o institusyon sa gitna ng isang krisis ay paraan ng pagbura sa kredebilidad ng
iba pang tinig sa lipunan.
Itinuturing niyang
bahagi ng kaaway ang mga burukratang humahadlang sa kanyang pamumuno.
Samantala, ang pangako niyang dodoblehin ang sweldo ng mga sundalo at ang
pag-ako sa lahat ng legal na kasalanan sa engkwentro ay nagpapakita ng diskurso
ng isang mabalasik ngunit mapagkalingang ama. Tinitiyak niya ang kaligtasan at
proteksyon ng kaniyang mga mamamayan, ngunit kapalit nito ay ang buong
katapatan at pagsunod sa kaniyang retorika. Ito tugma sa konsepto ni Stibbe
(2015) ukol sa destructive stories na kung saan ipinapaliwanag niya na
ang mga kwento o naratibong nakatanim sa ating kultura ay may kapangyarihang
magpanatili ng mga sistemang mapanira. Dito ginamit na paraan ni Pangulong
Duterte ang imahe ng “mabalasik na ama” na mabagsik sa mga kaaway ngunit
mapagkalinga sa kaniyang mga kakampi upang makuha ang emosyonal na katapatan at
suporta ng publiko.
Sa
naging pagsusuri, ang mga naging pahayag ni Pangulong Duterte ay isang patunay
na kung minsan, ang mga salita ay mas matalas at mas malalim ang sugat na
naiiwan kaysa sa mga bala sa labanan. Ang kanyang diskursong makadigmaan ay
hindi lang binuo upang talunin ang mga rebeldeng Maute, ngunit upang mag-iwan
ng isang malalim na marka sa isip at puso ng mga Pilipino.
Pagsusuri
sa Diskursong Makadigmaan sa Talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang pagsusuring ito ay nakatuon sa naging Keynote
Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM) sa 21st
IISS Shangri-La Dialogue na binigkas noong Mayo 31, 2024, sa Shangri-La Hotel
Singapore. Ang talumpating ito ay isang mahalagang pambansang pahayag na
naglatag ng opisyal na doktrina ng Pilipinas ukol sa pambansang seguridad,
geopolitika, at panlabas na depensa.
Talahanayan 3. Pagsusuri sa
Diskursong Makadigmaan sa Talumpati ni Pangulong BBM
|
Salita/Pahayag |
Klasipikasyon |
Pagsusuri |
|
“In the
West Philippine Sea, we are on the front lines of efforts to assert the
integrity of the UNCLOS…” |
Neutral |
Ang “front lines” ay isang purong terminong militar na tumutukoy sa
unahan ng labanan kung saan nagaganap ang mga gulo sa pagitan ng mga sundalo.
Neutral ito dahil inilipat ni Marcos Jr. ang konseptong ito para sa legal at
diplomatikong pakikipaglaban, at upang ipakita sa mundo na ang Pilipinas ang
nangunguna sa pagtatanggol sa mga karapatan sa dagat (laws of the sea).
|
|
“...strength
to do whatever it takes to protect our sovereign home to the last square
inch, to the last square millimetre.” |
Positibo |
Kung papakinggan, matapang, agresibo, at nagmamarka ng hangganan ang
mga pahayag, nagapapahiwatig na handang makipag-away. Ngunit ito ay
itinuturing na positibo dahil obligasyon at tungkulin ng isang pinuno na
ipagtanggol ang kanyang bansa, teritoryo, at mga mamamayan. May layuning
magtanggol, hindi ang umatake.
|
|
“I
do not intend to yield. Filipinos do not yield.” |
Positibo |
Ang
pahayag ay nagpapahiwatig ng diskursong pangkabayanihan o pakikipaglaban
dahil ipinapakita nito ang tibay ng sikolohikal na kahandaan ng buong bansa,
ngunit hindi para maghanap ng gulo, kundi para gisingin ang nasyonalismo at
itaas ang moral ng bawat mamamayan.
|
|
“Our
efforts stand in stark contrast to assertive actors who aim to propagate
excessive and baseless claims through force, intimidation and deception.” |
Negatibo |
Bahagi ito ng tinatawag na polarized
discourse (“Us
vs. Them”).
Negatibo ang diskursong ito dahil tahasan nitong binabansagan ang kilos ng
kabilang panig (Tsina) bilang marahas (force), nananakot (intimidation), at
madaya (deception). Ito ang wika ng pagtukoy sa katunggali o “kaaway” upang makakuha ng simpatiya sa
komunidad ng mga nasyon.
|
|
“In
our region recent patterns of aggression and militarisation and emerging arms
races threaten our lands…” |
Negatibo |
Direktang ginamit ang mga terminong
may kinalaman sa giyera tulad ng pagsalakay, militarisasyon, at paligsahan sa
armas. Negatibo ang dating nito dahil inilalarawan nito ang ating rehiyon
bilang isang mapanganib na lugar na may matinding banta sa seguridad, lalo na
mula sa mga tinutukoy nitong ‘kaaway’.
|
|
“Illegal,
coercive, aggressive and deceptive actions continue to violate our sovereign
rights…” |
Negatibo |
Ito
ay isang mabigat na akusasyon na gumagamit ng mga salitang panunupil
(coercive, aggressive). Diskursong makadigmaan ito dahil inilalatag ang mga
naging kasalanan o paglabag sa karapatan ng bansa sa kabilang panig. Ginagawa
ito upang patunayan sa lahat na may matibay at sapat na dahilan para
ipagtanggol ang bansa.
|
|
“...under
our comprehensive archipelagic defence concept we shall develop our capacity
to project our forces into areas where we must…” |
Neutral |
Ang ibig sabihin ng “project our forces” ay ang kakayahan ng isang bansa na
magpadala ng mga sundalo, eroplano, o barkong pandigma sa mga estratehikong lugar kung saan sila kailangan. Kahit tunog-giyera ang pahayag, neutral ang gamit nito rito
dahil teknikal at pormal
lang nitong inilalarawan ang modernisasyon ng AFP (Armed Forces of the
Philippines) na ang layunin ay
palakasin ang ating kapasidad. Nililinaw nito na kahit nagpapadala si
Pangulong Marcos Jr. ng
puwersa, ginagawa niya lang ito
para sa depensa o pagtatanggol ng sariling teritoryo, at hindi para magsimula
ng gulo.
|
Sa naging pagsusuri sa mga pahayag ni Pangulong Marcos
Jr. sa kaniyang talumpati, mapapansin na ang kaniyang paggamit ng diskursong
makadigmaan ay may ibang anyo kung ihahambing sa mga nakalipas na
administrasyon. Ang kaniyang retorika ay hindi naglalayong mag-udyok ng giyera
o gulo; sa halip, ito ay seguridad, legalidad, at depensibo na anyo ng
diskursong makadigmaan. Ginamit niya ito hindi bilang instrumento ng pag-atake
sa kaniyang itinuturing na kaaway, kundi bilang isang paraan upang ipagtanggol
ang interes ng bansang Pilipinas sa mas malawak na geopolitikal na larangan. Sa
mga nakalap na datos ay natuklasan ang mahahalagang tema kung paano ginamit ni
Pangulong Marcos Jr. ang wika ng kapangyarihan.
Sa kaniyang mga naging pahayag tulad ng “protect… to
the last square inch, to the last square milimetre” at “Filipino do not yield,”
pumasok siya sa tinatawag na sikolohikal na pakikidigma. Sa aspetong
linggwistiko, ang hiperbolikong paggamit ng salitang “millimetre” ay
nagpapahiwatig ng “red-lining”,
isang estratehikong pagguhit ng hangganan upang bigyang babala ang
katunggali o kaaway sa posibleng kahihinatnan ng kanilang pag-abante. Ang
ganitong mapangahas ngunit depensibong tindig ay nagiging positibong diskurso
dahil nagpapahiwatig ito ng pagkakaisa at nasyonalismo. Ayon kay Bernardo
(2021), ang mga salitang may kaugnayan sa digmaan ay nagtataglay ng isang polysemous
character. Nangangahulugan ito na ang mga naging pahayag ni Pangulong
Marcos Jr. ay maaaring maging katanggap-tanggap, inspirasyonal, at positibo
kapag ito ay nakatuon sa isang kolektibong mithiin at pagtatanggol sa sariling
pambansang identidad. Sa halip na maghasik ng takot, ang diskursong
maka-digmaan ni Pangulong Marcos Jr. ay naglalayong itaas ang moral ng mga
mamamayan at ng militar upang ipakita na ang Pilipinas ay hindi isang pasibong
biktima sa gitna ng krisis.
Sa kabilang banda, hindi rin maiiwasan ang pagkakaroon
ng negatibong diskurso sa talumpati. Sa paggamit ng mga paglalarawan tulad ng force,
intimidation, at deception upang ilarawan ang kilos ng kabilang
panig, at sa pagbanggit sa aggression at arm races, tahasang
pinairal ng Pangulo ang tinatawag na polarized framing o pag-iiba sa
pamamagitan ng paghahati sa pagitan ng ‘kami’ (bilang biktima/tagapagtanggol)
at ‘sila’ (bilang mga mapaniil). Ang ganitong paraan ng paggamit ng diskursong
makadigmaan ay aktwal na ipinapakita na si Pangulong Marcos Jr. ay
nagpapahiwatig ng isang kalagayang pang-emerhensiya sa isipan ng publiko.
Isang mahalagang natuklasan sa pagsusuri ay ang
paggamit ni Pangulong Marcos Jr. sa konseptong “front line”. Sa kaniyang
pahayag na “front lines of efforts to assert the integrity of the UNCLOS,”
dinala niya ang terminolohiyang militar sa unahan ng internasyonal na batas.
Ang neutral na diskursong ito ay isang anyo ng “lawfare” o paggamit ng batas
bilang pangunahing sandata sa gitna ng tunggalian. Ang paggamit ng mga teknikal na parirala
tulad ng “comprehensive archipelagic defence concept” at “project our forces”
ay nananatiling pormal at neutral dahil nakabatay ito sa mga doktrinal na ulat
at pandaigdigang pamantayan ng depensa. Ang ganitong estratehiya ay umaayon sa teorya
ni Curtis (2025), na nagpapaliwanag na ang wika ng
isang lider ay maaaring maging tulay sa kaayusan o mitsa ng karahasan depende
sa kung paano binubuo ang naratibo ng seguridad. Para kay Marcos Jr., ang
pagpapakalat ng puwersa ay hindi pag-uumpisa ng gulo, kundi pagpapanatili ng
isang rules-based international order. Tulad ng natuklasan nina Miranda at
Bringula (2021), ang retorika ng mga pangulo ay laging nagbabago depende sa
krisis na kanilang kinakaharap. Kung ang nakaraang administrasyon ay
nakatutok sa mga personal o lokal na banta, dinala ni Marcos Jr. ang “digmaan” sa isang pormal at institusyonal na
antas upang ipakitang ang pinakamalakas na armas ng Pilipinas ay ang mismong
pandaigdigang batas.
Paghahambing sa Ideolohiya ng Tatlong Pangulo ng Pilipinas sa Pag-unawa
sa Diskurso ng Digmaan
Ipinakita sa bahaging ito ang pagkakaiba ng tatlong
pangulo ng Pilipinas at paano nila tinalakay ang usaping digmaan sa kanilang
talumpati na nagpapakita ng kanilang pananaw at politikal na katayuan sa gitna
ng mga isyu at banta.
Talahanayan 4. Paghahambing
ng mga Ideolohiya sa Retorika ng Digmaan ng Tatlong Pangulo
|
Pangulo |
Sentrong Ideolohiya |
Konsepto ng “Digmaan” |
Uri ng Retorika |
|
Benigno Aquino III |
Reporismo at Moral
na Pamumuno |
Laban sa
sistemikong korapsyon upang makamit ang “Daang Matuwid”.
|
Inklusibo at
nakatutok sa institusyonal na katapatan; ang kalaban ay ang bulok na sistema. . |
|
Rodrigo Duterte |
Populismo at
Nasyonalismo |
Laban sa droga,
kriminalidad, at terorismo na itinuturing na personal na banta. |
Agresibong paggamit
ng “kami vs. sila” at pagpukaw ng takot upang maging lehitimo ang dahas.
|
|
Ferdinand Marcos
Jr. |
Legalismo,
Diplomadong Nasyonalismo, at Panlabas na Depensa (Lawfare) |
Laban para sa
pambansang integridad, soberanya sa West Philippine Sea (WPS), at
pagtatanggol sa karapatan ng bansa sa ilalim ng UNCLOS.
|
Estratehiko,
seryoso, at mapagtanggol ang kaniyang retorika. Ang digmaan ay hindi pisikal
na giyera o gulo, kundi laban ng sikolohikal na katatagan at pandaigdigang
batas.
|
Ang
interpretasyon sa ideolohiya ng tatlong pangulo ay mabubuo sa pamamagitan ng
pagtingin sa wika bilang isang estratehikong framing. Ayon sa pag-aaral
ni Miranda at Bringula (2021), ang mga talumpati ng pangulo ay nagsisilbing
repleksyon ng kanilang prayoridad at kung anong klaseng lider ang mga
ito. Sa pagsasama-sama ng
mga datos, makikita ang kanilang magkakaibang konsepto ng “digmaan” at
ideolohiya. Para kay Pangulong Aquino, ang ugat ng gulo ay ang maruming
sistema. Ang kanyang ideolohiya ay nakabatay sa paniniwalang kung malinis ang
gobyerno, susunod ang kaayusan. Sa halip na pisikal na kaaway, ginamit niya ang
digmaan upang ipakitang ang kalaban ng bawat Pilipino ay ang korapsyon. Ayon
kay Sobrepena (2018), ang “Daang Matuwid” ay isang anyo ng banal na laban na
naglalayong pag-isahin ang mga tao sa isang malinis at moral na layunin. Dito,
ang kanyang naging ideolohiya ay gumamit ng mga positibong mensahe upang bigyan
ng inspirasyon ang publiko na makiisa sa mga reporma sa gobyerno.
Malaki naman ang naging pagbabago kay Pangulong
Duterte dahil ang kanyang ideolohiya ay isang radikal na paglipat patungo sa
populismo at nasyonalismo. Dito, ang kanyang wika ay naging sandata upang
hatiin ang lipunan sa pamamagitan ng pagpapakilala sa ideolohiyang agresibo
ngunit nagdudulot ng kapayapaan. Ang digmaan ay para sa disiplina at
pagpepersonipika dahil binigyan niya ng mukha ang kanyang kaaway tulad ng mga adik, kriminal, komunista, at terorista. Ayon
sa pag-aaral ni Curato (2016) ang ganitong anyo ng penal populism ay gumagamit
ng wmosyon ng publiko, partikular ang galit at takot ng publiko upang bigyang
katwiran ang mga marahas na polisiya bilang mabilisang solusyon sa mga krisi ng
bansa. Sinusuportahan ito ng pag-aaral ni Salayo (2020) na ang paggamit ng mga
salitang pangmilitar ay paraan upang gawing normal ang dahas sa isip ng
publiko. Ang kanyang ideolohiya ay
nakasentro sa kapangyarihan at direktang aksyon, na madalas ay nasa ilalim ng
negatibong diskurso.
Sa kasalukuyang
administrasyon, inihiwalay ni Pangulong Marcos Jr. ang retorika ng digmaan mula
sa mga lokal na engkwentro at internal na disiplina na naging sentro ng mga
nakaraang pinuno. Sa halip, inilipat niya ang diskurso sa mas malawak na
konteksto ng ugnayang panlabas at pambansang depensa. Ang kaniyang sentrong
ideolohiya ay nakasandig sa legalismo at diplomatikong nasyonalismo. Batay sa
lente ng bagong linggwistikang pangkapayapaan, ang diskurso ni Marcos Jr. ay
sumusubok na maging maingat, pormal, at obhetibo upang iposisyon ang Pilipinas
bilang isang responsableng kasapi ng pandaigdigang komunidad. Ang digmaan sa
kaniyang konteksto ay hindi na nakatuon sa pagpaparusa sa mga lokal na sektor,
kundi sa pagpapanatili ng sikolohikal na katatagan at paggigiit ng pambansang
soberanya. Sa kaniyang mga pahayag hinggil sa pagtatanggol sa teritoryo at sa “last square millimetre” ng bansa, ginagamit niya ang
internasyonal na batas, partikular ang UNCLOS, bilang pangunahing instrumento
ng depensa. Sa pamamagitan ng pag-iwas sa marahas na wika, pinananatili ng
kaniyang retorika ang pormalidad at ang espasyo para sa diplomatikong
negosasyon nang hindi nagpapakita ng kahinaan sa harap ng mga panlabas na banta, na
ayon kay Fletcher (2025) ay ang sining ng pagbabalanse sa pagitan ng retorika
ng kapayapaan at ng kahandaan sa banta ng digmaan upang mapanatili ang
rehiyonal na katatagan.
Gamit ang
Kritikal na Pagsusuri sa Diskurso, makikita na ang retorika ng digmaan ay
nananatiling isang mabisang kasangkapan upang makuha ng mga pinuno ang
pagsang-ayon ng publiko sa kanilang mga polisiya. Gayunpaman, nagkakaiba ang
tatlong pangulo sa kanilang ideolohikal na layunin: si Pangulong Aquino III ay
nakatuon sa integridad ng institusyonal na sistema, si Pangulong Duterte ay
gumamit ng seguridad para sa panloob na disiplina, habang si Pangulong Marcos
Jr. ay gumagamit ng legal na balangkas upang ipagtanggol ang pambansang
teritoryo at soberanya. Tulad ng binigyang-diin sa mga pag-aaral ni Samonte
(2025), ang mga
pagbabagong ito sa diskurso ay nagpapatunay na ang pagpili ng mga salita sa mga
talumpati ay kalkulado upang pamahalaan ang kolektibong tugon ng sambayanang
Pilipino sa bawat hamon ng bansa.
Sa huli, ang
paglipat ng diskurso mula sa moral (Aquino), patungong pisikal at personal
(Duterte), at ngayon ay legal at diplomatiko (Marcos Jr.) ay nagpapakita na ang
wika ng isang pangulo ay hindi lamang simpleng sining ng pagsasalita. Ito ay
isang dinamiko
at buhay na instrumento na may kapangyarihang humubog, bumuwag, o magpanatili
ng kapayapaan at kaayusan sa kamalayan ng bansang Pilipinas. Ipinatutunayan ng
comparative analysis na ito na ang kahulugan ng kapayapaan at kaligtasan para
sa mga Pilipino ay hindi permanente. Ito ay patuloy na hinuhubog, binabago, at
muling isinusulat ng sinumang may kapangyarihan gait ang wika.
KONKLUSYON
Ang pag-aaral ay
nagpapatunay na ang wika ng isang pangulo ay hindi lamang instrumento ng
komunikasyon kundi isang makapangyarihang sandatang ginagamit sa kanilang mga
talumpati upang ihayag ang mga pambansang krisis, kung sino ang dapat bansagang
kaaway at hubugin ang suporta ng publiko. Sa ginawang pagsusuri, kinlasipika
ang bawat pahayag ng tatlong pangulo sa tatlong kategorya (positibo, neutral,
at negatibo) na nagpakita ng kanilang magkakaibang istilo ng pamumuno. Sa
ilalim ng administrasyon ni Pangulong Aquino, ang kanyang diskursong
maka-digmaan ay lumabas na positibo. Ang kanyang ideolohiya ay nakatutok sa moralidad, kung saan
ang digmaan ay laban sa korapsyon sa ilalim ng “Daang Matuwid”. Ang resulta
nito ay isang retorika na nagbibigay-inspirasyon sa halip na pananakot. Kabaligtaran naman ito sa
diskursong maka-digmaan ni
Pangulong Duterte na kung saan ang resulta ng pagsusuri ay
negatibo. Ang kanyang
ideolohiya ng populismo ay gumagamit ng agresibong tono at militaristikong mga
salita upang lumikha ng pag-iiba sa lipunan. Ang paggamit niya ng dahas at
takot upang tanggapin ng lipunan na ito ay para sa disiplina na malinaw na
kanyang naging estratehikong paraan. Samantala, nakita naman sa pagsusuri kay
Pangulong Marcos Jr. na ang
kaniyang laban ay nakatutok sa pagtatanggol sa teritoryo at pambansang
soberanya. Gamit ang mas kalmado at pormal na wika, ipinapakita niya ang
katatagan sa pamamagitan ng pagsandig sa mga internasyonal na batas nang hindi
nag-uudyok ng pisikal na karahasan.
Sa huli, gamit
ang mga teoritikal na dulog, malinaw ang punto na ang retorika ng digmaan ng
tatlong pangulo ay madalas gamitin bilang isang kasangkapan
upang gawing lehitimo ang mga polisiya, maitampok ang pangangailangan ng
mahigpit na hakbang o
pagtakpan ang mga pagkukulang sa serbisyo. Ang ebolusyon ng kanilang administrasyon, mula sa sistemiko, patungong personal,
at pabalik sa institusyonal na antas ay nagpapakita ng dinamikong ugnayan ng
wika, kapangyarihan, at pambansang ideolohiya. Ang kanilang
paraan ng pagsasalita ay hindi lamang salamin ng pamumuno, kundi isa ring
mekanismong humuhubog sa paniniwala, kilos, at pag-unawa ng publiko sa krisis
at direksyon ng bansa.
REPERENSYA
ABS-CBN
News. (2015, July 27). Ikaanim at huling SONA ni Pangulong Aquino [Video].
YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=RL_eiBquHc0
Bueza, M. (2015, July 27). Aquino’s 6th State of the
Nation Address. Rappler. https://www.rappler.com/philippines/special-coverage/
Curato, N.
(2016). Politics of anxiety, politics of hope: Penal populism and Duterte’s
rise to power. Journal of Current Southeast Asian Affairs, 35(3), 91–109. https://journals.sub.uni-hamburg.de/giga/jsaa/article/view/1011/
Curtis, A.
(2022). The new peace linguistics and the role of language in conflict. 10.1075/langct.00071.eta
Dacay, A. E.
(2018). Speeches of President Rodrigo Roa Duterte: A Critical Discourse
Analysis. Tin-Aw, 2(1), 1–1. https://ejournals.ph/article.php?id=13565
David, P. M.
(2025, May 12). Pantay na karapatan para kanino: Sipa’t suri sa akdang Tata
Selo ni Rogelio R. Sicat. International Journal of Research Studies in
Education, 14(9). https://doi.org/10.5861/ijrse.2025.25110
Fairclough,
N. (2010). Critical discourse analysis: The critical study of language.
Routledge. https://www.routledge.com/
Fletcher, E.
(2025, October 30). The rhetoric of war and peace and rhetoric. Planksip. https://www.planksip.org/
Gopez, C. P.
(2021). Ang alternatibo sa alternatibong pamamahayag: Isang kritikal na
diskursong analisis sa mga balita ng AlterMidya (The alternative in alternative
media: A critical discourse analysis of AlterMidya’s news articles). Plaridel,
27(2), 92–108. https://www.researchgate.net/publication/366588838
Logogye, C.
(2021). Ideology and political discourse: A critical discourse analysis of
President Nana Akuffo Addo’s 2018 State of the Nation Address. International
Journal of Linguistics, Literature and Translation, 4(9), 116–124. https://www.researchgate.net/publication/354893121
Marcos, F. R., Jr. (2024, May 31). Keynote address
[Speech transcript]. International Institute for Strategic Studies. https://www.iiss.org/
Miranda, J.
P. P., & Bringula, R. P. (2021). Exploring Philippine presidents’ speeches:
A sentiment analysis and topic modeling approach. Cogent Social Sciences, 7(1),
Article 1932030. https://10.1080/23311886.2021.1932030
Presidential News Desk, Presidential Communications
Office. (2017, October 4). *DUTERTE TRANSCRIPTS: Marawi visit. 02 October
2017*. MindaNews. https://mindanews.com/
RTVMalacanang. (2017, October 2). Turnover of the
Bahay Pag-asa Project speech [Video]. YouTube. https://youtu.be/h4JLK4tPwrk
RTVMalacanang. (2024, May 31). IISS Shangri-La
Dialogue 2024 [Video]. YouTube. https://www.youtube.com/watch?v=x2hFH0kHfzE
Salayo, J.
(2020). Social distancing, community quarantine and bullets: A critical
discourse analysis of Pres. Rodrigo Duterte’s speeches on the war against
COVID-19 pandemic. Middle Eastern Journal of Research in Education and Social
Sciences, 1(2), 233–256. https://bcsdjournals.com/index.php/mejrhss/article/view/13
Samonte, C.
J. (2025). From reformism to populism: Mapping rhetorical continuities in
Philippine presidencies from Ferdinand Marcos Sr. to Rodrigo Duterte. PCS
Review, 17(1), 1–1. https://ejournals.ph/article.php?id=31532
Sobrepeña, D. M., Baylon, F. L., Cuaresma, M. S.,
Villamejor-Mendoza, J. C., Florano, A. G. M., Fajarda, E. R., & Silarde, J.
V. Q. (2018). The performance of the Aquino administration (2010–2016): An
assessment. University of the Philippines National College of Public
Administration and Governance. https://ncpag.upd.edu.ph/p
Stibbe, A. (2015). Ecolinguistics: Language, ecology
and the stories we live by (2nd ed.). Routledge. https://www.researchgate.net/publication/314077605
Valdez, H.,
& Cocol, J. M. (2022). A critical discourse analysis of Philippine
political advertising. Sa Proceedings of the 36th Pacific Asia Conference on
Language, Information and Computation, 190–199. Association for Computational
Linguistics. https://aclanthology.org/2022.paclic-1.25.pdf